CAGAYAN DE ORO CITY – Buhos na ang mga nagpapaabot nang mga pakikiramay mula sa iba’t ibang sektor partikular sa mga lokal empleyado ng gobyerno na dating pinagsilbihan bilang elected government official ni Padayon Pilipino Party founder Vicente “Dongkoy” Yap-Emano na nagmula sa Tagoloan, Misamis Oriental.
Ito’y matapos kinumpirma ng kanyang anak na si Misamis Oriental Governor Bambi Emano ang pagpanaw sa edad na 76, dahil sa iniindang karamdaman habang nasa pagamutan.
Maliban sa pamilya Emano, Yap at Beja, ipinaabot din ng mga kaalyado sa politika ng dating alkalde ng Cagayan de Oro ang kanilang pakikidalamhati dahil sa pagkamatay nitong Martes ng madaling araw.
Maging ang mga mahigpit na katunggali sa politika ni Emano kabilang si incumbent City Mayor Oscar Moreno ay nakiramay din para sa mga pamilyang nagdadalamhati.
Inihayag ni Moreno na bagama’t matindi ang kanilang baliktaktakan sa usaping politika, subalit magkaibigan pa rin sila sa totoong buhay.
Nagbigay-pugay naman ang ilang mga politiko sa lungsod at sa lalawigan ng Misamis Oriental na dating ginabayan ni Emano kung paano ipatupad ang people’s governance.
Si Emano ay kilala rin ng ibang government elected officials sa malaking bahagi ng Mindanao dahil sa pagiging peacemaker nito pagdating sa usaping insurhensiya at kampanya laban sa kriminalidad.
Si Emano ay kasalukuyang tumatakbo bilang bise alkalde kung saan katunggali nito ang runningmate ni Moreno na si City Vice Mayor Rainer Joaquin “Kikang” Uy.
Nakatakdang iburol sa loob ng tatlong araw ang labi ng dating Misamis Oriental governor sa kanilang bahay sa Barangay Gusa, bago ito ihatid sa huling hantungan sa bayan ng Tagoloan.
Nagsimula ang political career ni Emano bilang alkalde sa Tagoloan nooong 1980 hanggang 1983, at nahalal naman bilang gobernador ng Misamis Oriental noong 1988-1998.
Matagumpay din itong pumasok sa Cagayan de Oro bilang alkalde simula 1998 hanggang 2007.
Naninilbihan din siya bilang bise alkalde sa siyudad mula 2007 hanggang 2010 at nagbalik sa pagka-mayor simula 2010 hanggang taong 2013.