LEGAZPI CITY – Muling umapela ang grupong KAPATID sa pamahalaan na payagan na pansamantalang makalaya si Elizabeth Estilon, na kasalukuyang nakapiit sa Sorsogon City District Jail.
Kakapanganak pa lamang ni Estilon ng isang lalaking sanggol noong Marso 27.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Jigs Clamor, national coordinator ng Kapatid – Families and Friends of Political Prisoners, ayaw lamang na maulit ang nangyari noong nakaraang taon sa political prisoner na si Reina Mae Nasino na nasawi ang sanggol dahil sa maagang pagkahiwalay sa ina.
Ayon kay Clamor, isang araw matapos na makapanganak ay agad na ibinalik sa kulungan si Estilon.
Ibinigay naman sa kapatid nito ang kustodiya ng sanggol.
Nabatid na kakapanganak pa lang din ng kapatid na siya munang magbi-breastfeed at mag-aalaga sa sanggol.
Subalit nanindigan ang grupo na dapat ikonsidera ng gobyerno ang sitwasyon ng mag-ina na kailangang magkaroon ng sapat na panahon na magkasama.
Disyembre noong nakaraang taon nang maaresto si Estilon at Enriqueta Guelas na nahaharap sa kasong Illegal Posession of Firearms and Explosives at Anti-Terror Law.