Ikinabahala lalo ng ilang eksperto sa Amerika ang muli na namang paglulunsad ng political rallies ni US President Donald Trump sa pamamagitan nang pagtipon sa kanyang mga supporters.
Ang puspusang kampanya ni Trump ay habang nalalapit na ang November 3 presidential elections.
Sa kanyang unang pagharap sa mga supporters matapos na gumaling sa COVID-19 sa Sanford, Florida, todo pagyayabang si Trump na hindi naman siya nakakahawa kahit makipagbeso-beso pa sa kahit sinuman.
Habang nag-iikot si Trump labis naman ang pagkadismaya ni Dr. William Schaffner, professor of health policy and preventive medicine sa Vanderbilt University, dahil binabaliwala ng presidente ang banta ng virus.
Aniya, kahit pa man sa indoor at outdoor event ay hindi nawawala ang virus.
Kabado raw siya na baka pag-uwi ng mga tao na dumalo sa naturang pagtitipon ay nagkahawa-hawa na ang mga ito.
Maging ang top infectious disease specialist ng US na si Dr. Anthony Fauci ay nangangamba rin sa kalalabasan ng ganitong rallies.
Lalo umanong delikado ang bansa habang nalalapit na ang winter season.