BACOLOD CITY – Nais lamang ng Makabayan bloc na gumawa ng “political statement” sa pag-indorso kay Bayan Muna Party-list Representative Carlos Isagani Zarate na maging susunod na House Speaker sa 18th Congress.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Zarate, inamin nito na wala silang bilang sa Kamara ngunit nais nilang magbigay ng mensahe na mayroong pagpipilian ang kanilang kasamahan maliban sa mga front runners na humihingi ng bendisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Dagdag pa ni Zarate, mayroong alternatibo maliban kina Leyte 1st District Representative-elect Martin Romualdez, Marinduque Representative Lord Allan Velasco at Pateros 1st District Representative-elect Alan Peter Cayetano.
Nais din ng Makabayan bloc na magkaroon ng House speaker na independent sa Malacañang.
Naniniwala si Zarate na agenda pa rin ni Pangulong Duterte ang isusulong ng makakalaban niya kung sila ang mapili kagaya na lamang ng Charter Change (Cha-Cha) upang mabuksan sa foreign control ang ekonomiya ng Pilipinas.
Samantala, naniniwala ang mambabatas na magbibigay pa rin si Duterte ng “last minute” endorsement sa Hulyo 22 ng umaga bago ang pagboto ng Kamara ng bagong House speaker.