-- Advertisements --

VIGAN CITY – Patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa La Paz, Abra, hinggil sa nangyaring pagpapasabog ng granada kagabi sa mismong bahay ng isang dating barangay chairman na tumatakbong isa sa mga Sangguniang Bayan member ng nasabing bayan.

Sa impormasyong nakarating sa Bombo Radyo Vigan sa pamamagitan ni Police Captain Ivan Sorriano, hepe ng La Paz Municipal Police Station, ang bahay na pinasabugan ng granada ng mga hindi pa kilalang suspek sa Barangay Mudeng ay pagmamay-ari ni Ronel Balauro na kapartido ni re-electionist Congressman JB Bernos na bayaw ni incumbent Abra Governor Joy Valera Bernos.

Masuwerte namang walang nasaktan sa pangyayari at nagkataong ang kapatid lamang ng kandidato ang nasa loob ng kanilang bahay noong mangyari ang pagpapasabog.

Kaugnay nito, matibay ang paniniwala ng ilang indibidwal na may koneksyon sa politika ang nangyari at ito ay pinaniniwalaang bahagi ng pananakot sa nasabing kandidato dahil sa nalalapit na halalan sa Lunes.

Ito na ang ikalawang beses na mayroong pinasabog na granada sa La Paz- una ay ay noong nakaraang linggo sa compound ng pamilya Apuya sa Sitio Callaguip, Bulbulala.