-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Nakatakdang ihain ni Kalinga Vice Governor James Edduba ang isang election protest laban sa pagkapanalo ng kanyang nakatunggali sa pagkagobernador sa kanilang lalawigan sa katatapos na midterm elections na si Tabuk Mayor Ferdinand Tubban.

Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio, sinabi ni Edduba na ihahain niya ngayonog araw sa Legal Division ng Commission on Elections (Comelec) Central Office ang nasabing election protest na nag-ugat ito sa 10-vote difference sa pagitan nila ni Tubban.

Una rito, nangunguna si Edduba sa bilangan ng mga boto ngunit naabutan at nalampasan pa ito ni Tubban na nadeklarang governor-elect ng Kalinga kung saan batay sa resulta ay nakakuha si Tubban ng 39,148 na boto, mas mataas ng 10 boto mula sa nakuha ni Edduba na 39,138.

Sinabi ni Edduba na hihilingin ng kanyang kampo ang recount o pagbilang sa mga boto sa ilang bahagi ng probinsya.

Pinagpapaliwanag ng kanilang kampo ang concerned agencies ukol sa nawawalang 25 na balota at sa delayed transmittal ng mga resulta mula sa Sucbot, Pinukpuk na sinasabing bumago sa resulta ng halalan.

Ipinaliwanag naman ni Kalinga Provincial Election Supervisor Atty. Ricardo Lampac na ang pagka-antala ng transmission mula sa Sucbot ay dahil sa mga problema sa vote counting machine na nagresulta para mapalitan ito.