Iniulat ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na limitado na lamang ang polycyclic aromatic hydrocarbons content ng mga tubig mula sa mga lugar na unang natukoy na apektado sa tumagas na langis mula sa lumubog na MT Terra Nova.
Ayon kay BFAR Assistant Secretary Dr. Angel Encarnacion, lumabas sa pinakahuling sensory evaluation/analysis sa mga fish samples na malinis ang mga isdang nahuhuli sa mga naturang karagatan.
Tinukoy ni Dr. Encarnacion ang lumabas na resulta ng sensory evaluation noong Aug. 16 na limitado o walang masyadong trace ng polycyclic aromatic hydrocarbons (PAHs), ang nakulektang tubig.
Ibig sabihin, hindi gaanong apektado ang mga isda, shellfish at iba pang mga yamang dagat sa mga naturang lugar.
Sa kasalukuyan, hinihintay na lamang ng BFAR ang isa pang test na isinagawa sa Rosario, Cavite at kung papasa ito sa ikatlong round at maaari na umanong ideklara na ligtas kainin ang mga isdang mangagaling sa naturang lugar.
Tinataya namang humigit kumulang P10M ang nawawalang arawang kita ng mga mangingsida mula nang pinagbawalan nang pumalaot ang mga ito dulot ng tumagas na langis.