Nakipagdaupang-palad si US Secretary of State Mike Pompeo sa dating pinuno ng China’s pro-democracy movement na nakaligtas mula sa naganap na trahedya sa Tiananmen Square noong 1989.
Kinumpirma ang balitang ito ng US State Department kung saan nakipagkita umano si Pompeo kay Wang Dan at tatlong dating student leaders na naghanap ng matataguan sa Estados Unidos matapos ang naturang insidente.
Ngayong araw ang ika-31 anibersaryo ng Tiananmen incident. Noong June 4, 1989 nang paulanan ng bala ng Chinese military ang pro-democracy protesters sa Tiananmen Square kung saan maraming tao ang namatay.
Ayon kay Wang, umaasa siya at ang kaniyang mga kasamahan na makakamit ng China ang demokrasya sa pakikipagkita ng mga ito kay Pompeo. Ito umano ang kauna-unahang beses sa loob ng 31 taon na nakipagkita ang US secretary of state sa mga nakaligtas sa insidente.
Sa inilabas naman na pahayag ng State Department, nakasaad dito na nakikiisa ang Amerika sa pagluluksa sa mga biktima ng Tiananmen protest. Hanggang ngayon daw kasi ay hindi pa malinaw ang eksaktong bilang ng mga nawawala at namatay na raliyista.
Nanawagan din ang US na ilabas ang detalyadong impormasyon tungkol sa insidente.