Pondo ILOILO CITY – Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na may sapat na pondo ang ahensya na ipamimigay sa mga magsasaka sa bansa.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay DA Secretary William Dar, sinabi nito na may nakalaang P2.5 billion na pondo sa ilalim ng Agricultural Credit Policy Council na siyang ipapahiram sa mga magsasaka .
Ayon kay Dar, maaaring mangutang ang isang magsasaka ng halos P15,000 at ito ay babayaran sa loob ng walong taon na walang interes.
Ani Dar, marami pang proyekto ang ahensya na makakatulong sa mga magsasaka sa bansa kagaya ng mechanization kung saan aabot ng P5 billion pesos pondo para sa bagong makinarya, traktor, drying facilities, solar irrigation systems at iba pa.
Dagdag pa ng kalihim, may libreng binhi at training programs na nakalaan para sa mga magsasaka upang mas mapalawak ang kanilang kaalaman sa pagsasaka.