Kinumpirma ng Malacañang na kabilang sa mga napag-usapan kagabi sa ika-43 meeting ng gabinete ang isyu ng African swine fever (ASF) na nakakaapekto pa rin ngayon sa mga nag-aalaga ng mga baboy.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hiling ni Agriculture Sec. William Dar na gamitin ang pondo ng Office of the President (OP) para pantulong sa mga apektadong hog raisers o mga nag-aalaga ng baboy.
Ayon kay Sec. Panelo, magmumula ang budget sa natitirang contingent fund ng Office of the President, pero hindi na nabanggit kung magkano ito.
Magugunitang una nang inihayag ng Department of Agriculture (DA) na nasa P1 billion kada buwan halos ang nalulugi ng mga nagaaalaga ng baboy dahil sa epekto ng African swine fever.
Mula Agosto, pumalo na sa 70,000 ang napapatay na baboy sa iba’t ibang lugar sa NCR at kalapit na mga probinsya para maiwasan ang pagkalat ng sakit.
Napaulat ding bumaba rin ang demand ng karneng baboy sa merkado.
Samantala, pumayag din umano si Pangulong Duterte na maglalagay ng cold storage areas sa mga pantalan ng Maynila, Subic, Batangas, Cebu at Davao.
Layunin nitong matiyak na 100 porsyentong namo-monitor ang mga karneng dumadaan sa mga lugar na ito.