Ginamit umano sa 5 buwang Marawi siege noong 2017 ang pondo na natanggap at ipinamahagi ni Myrna Mabanza, ang suspected financier ng Al-Qaeda at supporter ng Islamic State (ISIS) ayon sa mga opisyal ng pamahalaan.
Sa media briefing ngayong araw kaugnay sa pagkakaaresto ni Mabanza, sinabi ni Senior Assistant State Prosecutor Rodan Parrocha na hindi pa masabi kung direktang may kinalaman ito sa anumang terrorist act subalit kabilang ito sa pagpopondo at nagbibigay ng financial support para sa Abu Sayaff Group at iba pang teroristang organisasyon.
Base din sa kanilang intel reports, ang mga pondo na natanggap nito mula sa foreign supporters ay ginamit sa Marawi siege at iba pang aktibidad ng ASG laban sa gobyerno noong aktibo pa ang mga ito.
Ayon naman kay Senior Assistant State Prosecutor Rassendell Rex Gingoyon, natanggap ni Mabanza ang pera mula sa foreign nationals sa Malaysia, Turkey Jordan, Indonesia, Qatar at Saudi Arabia.
Maliban sa pagtanggap ng pera mula sa mga banyaga, naging kasangkapan din si Mabanza sa paglikom ng pera saka nito ireremit sa lokal na miyembro ng ASG sa Jolo, Sulu at Basilan.
Samantala, sinabi naman ni Justice USec. Nicholas Ty na ang pondo ay ginugol sa pagbili ng mga baril at pag-hire ng mga trainer at foreign fighters.
Matatandaan, noong Mayo 2017 sa ilalim ng termino ni dating Pang. Rodrigo Duterte naglunsad ng pag-atake ang Maute group sa Marawi. Tumagal ang armed conflict sa pagitan ng Maute at pwersa ng gobyerno ng limang buwan o hanggang Oktubre 2017 na kumitil ng mahigit 1000 katao at nag-iwan ng malawak na pinsala.