Umapela ang mga miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na itigil na ang ginagawang imbestigasyon ng Senado sa umano’y “PDEA leaks” dahil pagsasayang lamang ito ng oras at pondo ng bayan.
Sinabi ni House Deputy Majority Leader at Iloilo 1st District Rep. Janette Garin na dapat na isaalang-alang kung ano ang tinatahak na direksyon at benepisyo ng umano’y na-leak na dokumento ng PDEA na nagsasangkot kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa paggamit ng ilegal na droga, lalo na at pondo ng bayan ang ginagastos sa pagdinig.
Hinimok ni Garin ang Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, na pinamumunuan ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, na balikan at muling suriin ang mga hawak nitong ebidensya.
Sinabi ni Garin na dapat ay pangalagaan ang kapakanan ng publiko, na maaaring magdulot ng kalituhan at magresulta ng kawalang katatagan ng bansa.
Pinaalalahanan din ni Garin si Dela Rosa na maging maingat sa imbestigasyon lalo’t kilalang mga tao ang isinasangkot na nakakakuha ng interes ng publiko.
Paalala pa ni Garin ang responsibilidad na kaakibat ng legislative power, na kapag pinanatili ang imbestigasyon nang walang pagsasaalang-alang sa mga itinakdang pamantayan ay magdudulot ng hindi magandang halimbawa.
Sinabi naman ni Bukidnon 2nd District Rep. Jonathan Keith Flores, na kinakailangan ang higit na pag-iingat upang hindi makapinsala ng reputasyon ng mga inaakusahan ang mga walang basehang alegasyon.
Inihalimbawa rin ni Flores ang mga indibidwal na gumagawa ng kasinungalingan para lamang magpapansin, kaya mayroong mga manonood na nagsasabi na nagmumukhang ‘circus’ ang pagdinig ng komite.
Nang tanungin naman kaugnay sa direksyon at layunin ng imbestigasyon, iginiit ni Flores na dapat iwasan ang circus-like atmosphere, at tiyakin na ang pagdinig ay nagsisilbi sa isang makabuluhang layunin.
Binigyang-diin pa ni Flores na kailangan na maging maingat sa pagpili ng mga testigo, at paghimok sa komite na iwasang mag-imbita ng mga indibidwal na may hindi kapani-paniwalang impormasyon at ang pagsasagawa ng beripikasyon sa sinasabi ng mga humaharap sa pagdinig.
Sa panig naman ni Bataan 1st District Rep. Geraldine Roman, ipinaalala nito kay Dela Rosa na mag-ingat sa pagsasagawa ng imbestigasyon.
Kinuwestyon din ni Roman ang tunay na intensyon ng ginagawang pagdinig, lalo na kung ito ay naganap sa nakalipas na administrasyon.
Hinimok din ni Roman si Dela Rosa na ibaling ang kaniyang pagsisikap sa mas mahahalagang usapin. “So nananawagan ako sa aking kaibigan Sen. Bato dela Rosa maybe you should focus your energy on more productive matters that really concern our citizens in the country,” ayon pa sa mambabatas.