-- Advertisements --

Inirekomeda ni dating House Speaker Allan Peter Cayetano sa pamahalaan na bawasan ng 5 percent ang pondo ng bawat ahensya ng gobyerno at ipunin ito para makalikom ng P250 billion, na gagamitin bilang ayuda sa publiko.

Ang pondong ito ay maaring gamitin aniya sa P10,000 na ayuda sa bawat pamilya, habang magiging stand-by funds naman ang matitirang P50 billion.

Iginiit ni Cayetano na maliit lang ang five percent na inirerekomenda niya para na rin magawang malaki naman kahit papaano ang ayudang matatanggap ng publiko sa harap nang mataas na presyo ng langis at iba pang mga bilihin.

Mas epektibo aniya ito kaysa naman sa papatak-patak lamang na ayudang mauubos lang sa kaagad sa gastusin.

Nauna nang inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang P200 na ayuda sa bawat mahihirap na pamilyang Pilipino base na rin sa rekomendasyon ng Department of Finance.

Sinabi ni Cayetano na hindi na kailangan pang hintayin na magpalit ng administrasyon para gawin ito.