Inamin ni Health Secretary Francisco Duque III na mababa ang pondo ng Pilipinas para sa pagtugon sa COVID-19 pandemic kung ihahambing sa mga kapitbahay nito sa Timog-Silangang Asya.
“I will have to admit that our fund, in particular ‘yung COVID fund natin, we are ranked number 6,” wika ni Duque sa virtual celebration ng “12.12” International Universal Health Coverage Day.
“Number one diyan is, in terms of absolute amount, hundred plus billions ang Indonesia. Ang Malaysia or Singapore nasa second or third. Ang Vietnam or Thailand fifth. Tayo panghuli nasa 21 billion dollars tayo,” paglalahad ng kalihim.
Batay sa COVID-19 Policy Database ng Asian Development Bank, Indonesia ang may pinakamalaking COVID-19 response package na may $116.33-bilyon, na sinusundan ng Singapore na may total package na $89.14-bilyon.
Ikatlo ang Thailand na may $84.09-bilyon; Malaysia ang ikaapat na may $80.7 bilyon.
Nasa ikalimang puwesto ang Vietnam hawak ang total package na $26.96-bilyon, habang ang Pilipinas ang ikaanim na may $21.64-bilyon.
Sa kabila nito, sinabi ng kalihim na nagawa pa rin ng Pilipinas na mabawasan ang bilang ng mga aktibong kaso maging ang pagtaas ng bilang ng mga kumpirmadong impeksyon.
“Kulang ito. Pero kahit kulang at di mapapantayan ang kasama sa ASEAN (Association of Southeast Asian Nations) naipapakita naman natin magaling pa rin ang ating pinakita,” ani Duque.