May mahigit sa sapat na pondo ang Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) para masaklaw ang benepisyong pangkalusugan ng lahat ng Pilipino para sa 2025.
Ito ay sa gitna ng hakbang ng Kongreso na amyendahan ang Universal Health Care (UHC) Act.
Paliwanag ni Philhealth Board of Directors Chairperson at Health Secretary Ted Herbosa na binuhay ng paglipat ng pondo ng PhilHealth ang usapin tungkol sa Universal Health Care.
Ilang taon rin aniyang natulog ang pondo ng PhilHealth sa bangko, malayo at hindi nagagamit ng pangkaraniwang Pilipino. Kung hindi umano nangyari ang paglipat ng pondo ay hindi siguro napaigting ang panawagan na gamitin ito, dahil tungkulin ng PhilHealth na bayaran ang mga benepisyo ng miyembro nito.
Simula noong Enero 1, 2025, ipinatupad na ng PhilHealth ang P284 bilyong Corporate Operating Budget nito. Kabilang dito ang 10% na pagtaas sa mga benepisyo, kumpara noong nakaraang taon. Ang korporasyon ay kasalukuyang nagtataas na rin ng mga case rate para sa pinakaginagamit na mga pakete ng benepisyo, kabilang ang para sa Community-Acquired Pneumonia, Hypertension, Animal Bites, at iba pa.