-- Advertisements --

Nananawagan si Sen. Panfilo Lacson na bantayan ang pondo ng naipasang Universal Health Care Law na umaabot sa P257 billion.

Ginawa ni Lacson ang panawagan matapos na makatanggap ito ng mga impormasyon at mga dokumento na paulit-ulit na modus sa Philhealth na kasabwat ang ilang may-ari ng hospital at ilang opisyal ng Philhealth, bukod pa sa mga naunang isyu ng katiwalian sa Philhealth tulad ng sa pagpapagamot sa mata at sa dialysis ng mga pasyente.

Nangangamba kasi si Lacson dahil base sa kanyang mga hawak na dokumento umaabot na sa P250 Bilyon ang pondo ng Philhealth na napunta sa katiwalian.

Nauna ng binanggit ni Lacson ang Perpetual Soccor Hospital sa Cebu City na kahit nakalabas na ang pasyente ng hospital pinapalabas ang extension of confinement para makakuha ng malaking halaga sa Philhealth.

Bukod dito binanggit din ni Lacson na ang Region 1 Philhealth Office sa Tapuak District sa Dagupan City ay nangungupahan mismo sa building na pag-aari mismo ni Duque.

Naniniwala si Lacson na may conflict of interest dahil ang Chairman of the Board ng Philhealth ay mismong si Duque at nagkaroon ng contract of lease ang Region 1 Philhealth office sa family business ng mga Duque.

Sinabihan pa ng senador na impokrito si Duque dahil tila nagmamalinis pa sa harap ng publiko.

Iniungkat din ni Lacson ang pagkakasangkot ni Duque noong ito pa ang kalihim ng DOH ng panahon ng dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang pag-release ng P6 Bilyon ng PCSO para sa Philhealth funds para sa pamamahagi ng Philhealth Cards na nauwi aniya sa katiwalian dahil ipinambili ng mga sasakyan.

Nagdududa rin si Lacson kung dapat ba na ipagkatiwala si Philhealth ang P257 billion pondo ng UHC para sa libreng pagpapagamot at pagpapahospital sa mga mga kababayan.

Dahil dito nais na imbestigahan ni Lacson ang naturang isyu at maghahain ito ng resolusyon sa 18th congress dahil pera aniya ng bayan para sa mga mahihirap na kababayan ang nakasasalalay dito.