-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nilinaw ng tanggapan ng Provincial Elections Officer ng Albay na hindi maaapektuhan ng Commission on Elections (COMELEC) ban ang release ng pondo para sa idineklarang state of calamity ng lalawigan dahil sa El Niño.

Paliwanag ni OIC Provincial Elections Officer Atty. Neil Canicula sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, isa ang national emergency at natural calamity sa mga exceptions sa naturang ban sa COMELEC Resolution 10511.

Kailangan lang aniyang magsulat para sa petisyon upang makapag-release ng budget, gayundin sa iba pang mga ongoing projects.

Samantala, “on track” umano ang komisyon sa mga isinasagawang paghahanda para sa papalapit na halalan.

Kaugnay naman ng nangyaring pamamaril-patay kay retired P/Col. Ramiro Bausa na tumatakbong city councilor sa Legazpi City, kailangan aniyang hintayin ang magiging imbestigasyon ng pulisya kung election-related ang insidente.

Subalit sa isinagawang security control meeting kasama ang PNP at AFP, wala aniyang nagrekomenda na isailalim ito sa areas of concern ang lungsod dahil nananatili itong “peaceful.”