CENTRAL MINDANAO-Nagkakahalaga ng P7.4M ang inabot ni Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary at Task Force Bangon Marawi (TFBM) Chairman Eduardo Del Rosario kay Ministry of Human Settlements and Development – BARMM Minister at Land Dispute Resolution Committee (LDRC) Chairman Atty. Hamid Aminoddin Barra.
Itoy laan sa ibat-ibang proyekto sa Marawi City na ginanap sa TFBM Field Office sa Marawi Resort Hotel sa MSU Campus.
Hudyat umano ito ng agarang operasyon ng Komite sa mga dagdag na proyekto sa Marawi.
Ang LDRC ay nilikha sa bisa ng Memorandum Circular No. 40 upang tugunan ang paulit-ulit na mga panawagan upang magtatag ng isang boluntaryong mekanismo na makakatulong sa mga partido at ‘adverse claimants’ na maayos o malutas ang mga alitan na may kaugnayan sa lupa, mga pagtatalo o kontrobersya na pumipigil sa rehabilitasyon sa lungsod ng Marawi.
Nagpasalamat naman si Minister Barra nang matanggap ang tseke sa lahat ng mga ahensya at organisasyon na kasapi ng LDRC para sa kanilang kooperasyon at suporta.
Ang Ministro ang Department of Justice at ang City Mayor’s Office ay kinilala para sa kanilang papel sa ‘finalization’ ng Implementing Rules and Guidelines at ng ‘Work Financial Plan’ ng komite.
Umaasa ang BARMM Government na tuloy-truloy na ang mga proyekto sa Marawi City sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.