Inihahanda na ng Sugar Regulatory Administration (SRA) ang pondong ibibigay bilang tulong sa mga sugarcane farmers na naapektuhan sa pagsabog ng bulkang Kanlaon.
Ayon kay SRA Administrator Luis Pablo Azcona, maaaring gamitin nila ang ilang porsyento ng pondo ng SRA na nasa ilalim ng corporate social responsibility (CSR) fund nito.
Maari aniyang kumuha ng dalawang milyong pisong inisyal na pondo sa ilalim nito.
Balak din ng SRA na idagdag ang naipong pondo na dapat sana ay gagamitin sa kanilang Christmas party.
Mayroong inisyal na P700,000 na naipon dito, bilang pagtugon ng ahensiya sa panawagan ni PBBM na gawing simple ang selebrasyon ngayong taon at itulong na lang sa mga apektado ng magkakasunod na bagyo ang maiipong pondo.
Maliban sa inihahandang pondo, nakatakda ring mamigay ang SRA ng inuming tubig, bigas at iba pang food items, at mga hygiene kits sa mga magtutubong apektado sa naturang kalamidad.