Posibleng mauwi sa stalemate kung parehong magmatigas ang Senado at Kamara sa pondong ilalaan sa Office of the Vice President (OVP).
Ayon kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa, posibleng magkaroon ng tensyon sa pagitan ng dalawang kapulungan sa oras na bawasan nang malaking halaga ang pondo ng tanggapan ng bise presidente.
Binalaan kasi ng mababang kapulungan na bawasan nang malaki ang budget ng OVP at maaaring itira lamang ang pampasweldo sa mga empleyado, dahil sa hindi pagsipot ng bise presidente sa budget hearing ng OVP.
Ngunit naniniwala si dela Rosa na sa Senado, ibibigay ang budget na kailangan ng bise presidente..
Isa raw si dela Rosa sa boboto sa Senado na ibigay ang kailangang budget ni VP Sara.
Bagamat sinabi mismo ng bise presidente na kaya naman nilang magtrabaho kahit walang budget, ayon sa senador mahirap daw ito.