Siniguro ng Department of Education (DepEd) na sapat ang pondo para sa pagpapatupad ng Basic Education–Learning Continuity Plan (BE-LCP).
Sa kabila ito ng balitang humihingi umano ang mga paaralan at mga guro ng donasyon sa publiko kaugnay dito.
Paliwanag ni DepEd Usec. Annalyn Sevilla, may mga pagkukunan naman ng pondo para sa pagpapaimprenta sa mga module na gagamitin sa blended learning na isa sa mga kinakailangan sa implementasyon ng BE-LCP.
Dagdag pa ni Sevilla, ang mga paaaralan ay ginagamit din ang kanilang Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) para sa produksyon, pagpaparami at pamamahagi ng mga self-learning module.
“Many teachers are getting nervous because they fear that the MOOE might not be enough but we assure them that this is only the initial fund and now the P9 billion has been downloaded from the Central Office,” ani Sevilla.
Una rito, kumakalat ngayon sa mga social media sites ang paghingi raw ng mga guro sa publiko para sa kanilang school supply at iba pang kinakailangan sa implementasyon ng blended at distance learning.
Ayon kay Sevilla, pinapahintulutan naman nila ang ganitong aksyon ngunit kailangan pa rin ng mga ito na sumunod sa mga protocol para makaiwas sa COVID-19.
“We receive reports that there are some teachers who ask for help for the printing of modules and others,” sabi ni Sevilla.
“While this is allowed, we want to remind them that there should be transparency and accountability based on existing policies,” dagdag nito.
Ani Sevilla, nasa P65 bilyon sa ngayon ang tinatayang pondo para sa BE-LCP.
“A total of P9 billion was already downloaded, P17 billion was realigned and modified, SEF was also aligned to LCP with a total of about P20 billion but we cannot account for all of this because the funds are in the LGUs and also Brigada Eskwela efforts are also in support of the LCP,” paglalahad ng opisyal.