Pinag-aaralan na raw ng Department of Health (DOH) ang panukalang “pooled sampling” sa COVID-19 testing, para na rin mapataas pa ang kapasidad ng bansa sa testing.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, sa ilalim ng pooled sampling. Tsaka lang isasailalim sa indibidwal na test ang mga ito kapag may isang nag-positibo.
“Ipagsasama-sama po ang mga specimen. At kung negative ang mga pooled sample, ibig sabihin negative lahat ng specimen na bumubuo ng sample na iyon.”
Ang panukalang ito ay pumasa na sa ikatlong pagbasa ng Kamara, sa ilalim ng inihaing bill ni dating DOH secretary at ngayo’y Iloilo Rep. Janette Garin.
Ayon sa kongresista, may ilan mula sa pribadong sektor ang gumagamit na ng ganitong istilo.
Ginagawa na rin daw ang pooled sampling sa mga blood bank para sa testing ng iba pang sakit.
“Pinag-aaralan na po ng ating COVID-19 Laboratory Expert Panel or CLEP ang pooled testing upang higit pong ma-maximize ang kapasidad ng ating mga laboratoryo.”
Paliwanag ni Vergeire, aalamin din ng DOH kung alin sa mga lisensyado ng laboratoryo ang pwedeng gumawa ng pooled sampling, at kung hanggang ilang samples ang pwedeng pagsamahin.
Sa ngayon umaabot na raw sa 12,000 tests kada araw ang nagagawa ng higit 60 lisensyadong laboratoryo sa bansa.
Pero sa ngayon, higit 4,000 laboratory backlogs o mga samples na isasalang pa lang sa testing, ang hinahabol ng mga ito.