-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Nagbabala ang Commission on Population (POPCOM)-Cordillera sa posibleng pagdami ng unplanned pregnancy o hindi planadong pagbubuntis ngayong ipinapatupad ang enhanced community quarantine.

Ayon kay Magdalena Abellera, regional director ng POPCOM-Cordillera, maraming mag-asawa ngayon ang hindi nakakakuha ng contraceptives dahil sa home quarantine.

Ipinaliwanag niyang sa ngayon ay mas maraming panahon na magtabi ang mag-asawa o magkapareha kayat malaki ang posibilidad na mas darami ang mabubuntis.

Gayunpaman, iginiit ng opisyal na napaka-kritikal at delikado ng pagbubuntis sa ngayon na kumakalat ang COVID 19 dahil hindi lang ang buhay ng ina ang maaaring mapahamak kundi pati ang ipinagbubuntis nito.

Dahil dito, tiniyak ni Abellera na nakikipagtulungan ang POPCOM para maisagawa pa rin ang family planning kahit umiiral ang enhanced community quarantine.