Nakatakda na umanong isama sa mga online learning modules ngayong school year ang komprehensibong sexuality education.
Ayon kay Usec. Juan Antonio Perez III, executive director ng Commission on Population and Development (POPCOM), noong Oktubre pa lamang ay nagsasagawa na ang Department of Education (DepEd) ng mga session at diskusyon sa kanilang mga regional offices kaugnay sa pagsasama ng sex education sa mga bagong learning modalities.
Ang naturang paksa ay isasama raw sa modules na ginagamit ng mga mag-aaral partikular sa Ilocos Region, central Visayas, at Davao Region.
Paliwanag ni Perez, batay sa datos, mataas daw ang adolescent pregnancy o mga menor de edad na nabubuntis sa naturang mga lugar, lalong-lalo na sa Region 11.
Ang nasabing pahayag ay lumabas matapos iulat ng ahensya na posibleng tumaas sa 111.1-milyon ang populasyon sa susunod na taon dahil sa inaccessible reproductive health services sa harap ng pandemya.