Inihayag ng Holy See Press Office na pumanaw na si Pope Emeritus Benedict XVI noong 9:34 ng umaga noong Sabado – oras sa Vatican sa kanyang tirahan sa Mater Ecclesiae Monastery na pinili niya bilang kanyang tirahan pagkatapos magbitiw sa ministeryo ng Petrine noong taong 2013.
Ayon sa kinauukulan at opisyal, ang mga karagdagang impormasyon ay ibibigay sa lalong madaling panahon ukol sa pagkamatay ni Pope Benedict XVI.
Sa loob ng ilang araw, ang kondisyon ng kalusugan ng Pope Emeritus ay lumala dahil sa kanyang katandaan, gaya ng iniulat ng Press Office sa mga update nito sa umuusbong na sitwasyon.
Kung matatandaan, si Pope Francis mismo ay nagbahagi sa publiko ng balita tungkol sa lumalalang kalusugan ni Pope Emeritus Benedict XVI noong ika-28 ng Disyembre.
Dagdag dito, inanyayahan ng Pope Francis ang mga tao na ipagdasal ang Papa Emeritus upang suportahan ang kanyang agarang paggaling at labanan ang iniindang sakit.
Kasunod ng kahilingang ito, umusbong at dumami ang mga pagkukusa sa panalangin sa lahat ng kontinente sa buong mundo, kasama ang pagbuhos ng mga mensahe ng pagkakaisa at pagiging malapit mula sa mga sekular na pinuno.
Kaugnay niyan, sa sandaling pumanaw ang isang Papa, kukumpirmahin ito ng isang doktor sa presensya ng Cardinal Chamberlain at Direktor ng mga serbisyong pangkalusugan ng Vatican.
Upang markahan ang pagkamatay ng Papa, ang mga kampana ng St. Peter’s Basilica ay patutunugin ng mga simbahan sa buong lungsod ng Roma upang makiisa sa pagpapalaganap ng balita sa buong lugar ng Eternal City.
Ayon sa tradisyon, ang Cardinal Vicar ng Roma ay gumagawa ng opisyal na anunsyo sa publiko at karaniwan ang isang yugto ng siyam na araw ay idineklara para sa opisyal na pagluluksa na nagbibigay din ng oras para sa mga peregrine, cardinals, at pinuno ng estado na maglakbay patungong Roma.
Una rito, ang katawan ng namatay na Papa ay inilalagay sa Apostolic Palace para sa mga miyembro ng Curia upang magbigay ng kanilang paggalang at pagkatapos ay ililipat sa St. Peter’s Basilica upang payagan ang mga peregrino na magbigay ng kanilang huling paggalang sa Papa.