Bigong makasama at makadalo sa selebrasyon at pag-umpisa ng Lenten Season o Panahon ng Kuwaresma ang naturang lider ng Simbahang Katolika na si Pope Francis.
Ito ay matapos niyang hindi pangunahan ang pagdiriwang ng isang banal na misa sa unang araw ng Kuaresma sa kadahilanang siya’y nagpapagaling pa rin sa ospital.
Bagamat ‘stable’ na ang kasalukuyang kondisyon ng naturang Santo Papa, patuloy pa rin umano ang pakikipaglaban nito sa kanyang sakit na double pneumonia.Â
Kasabay ng sinimulang panahon ng Kuwaresma, hinimok ni Rev. Fr. Rico John C. Bilangel, rektor ng Pambansang Dambana ng Ina ng Laging Saklolo o Baclaran Church, na patuloy ipagdasal ng mga Pilipinong Katoliko si Pope Francis.
‘Paanyaya, panawagan para sa lahat ng mga Katoliko na patuloy nating ipagdasal ang ating mahal na Santo Papa. Siya ay matanda na at may karamdaman, at ngayon nga’y patuloy pa ring nagpapagamot, nagpapagaling sa ospital,’ ani Rev. Fr. Rico John Bilangel, C.Ss.R. ng National Shrine of our Mother of Perpetual Help.
Dagdag pa niya, bilang pinuno ng Simbahang Katolika si Pope Francis, mahalaga na ipagdasal siya upang maipagpatuloy nito ang kanyang mga responsibiladad bilang Santo Papa.
Samantala, naniniwala naman ang naturang rektor na dapat umanong bigyang halaga ang pagdarasal para sa kapwa ngayong panahon ng Kuwaresma kasabay ng panalangin para sa agarang kagalingan ni Pope Francis.