Itinanggi ni Pope Francis na ito ay magbibitiw na sa puwesto matapos ang intestinal surgery noong Hulyo.
Kasunod ito sa lumabas na mga balita sa isang pahayagan sa Italya na nais na lamang mabuhay ng normal ang 84-anyos na Santo Papa.
Nagtataka ang Santo Papa kung saan nakuha ng pahayagan ang nasabing impormasyon.
Patuloy pa rin aniya nitong gagampanan ang kaniyang tungkulin sa katunayan aniya ay dadalo pa ito sa United Nations Climate Change Conference (COP26) na gaganapin sa Glasgow sa Nobyembre.
Hindi rin nito kinalimutang pasalamatan ang lalaking nurse sa Vatican na nanghikayat sa kaniya na sumailalim sa operasyon para matanggal ang bahagi ng kaniyang colon imbes na ipagpatuloy ang paggamot ng antibiotics at ibang mga gamot na sinang-ayunan naman ng mga doctors.
Sinabi nito na dahil sa ginawa ng nurse ay naligtas ang buhay nito.
Magugunitang nanatili ng 11 araw sa pagamutan ang Santo Papa noong Hulyo matapos dumanas ito ng severe case ng symptomatic diverticular stenosis o ang pagsisikip ng colon.