Nilinaw ni Pope Francis na mas mabuti na ang kanyang kalagayan ngayon at wala sa isip niya ang bumaba sa pwesto.
Matatandaan na sumailalim sa dalawang operasyon sa nakalipas na dalawang taon ang Santo Papa dahil sa bronchitis.
Kaya naman kahit mabuti na ang kalagayan ay nananawagan pa rin siya na ipagdasal ang kanyang kalusugan dahil aniya ay patuloy siyang tumatanda sa pagdaan ng panahon
Maaari din umano siyang magbitiw sa pwesto kung hindi na niya magampanan ang kanyang tungkulin bilang Santo Papa. Subalit hindi raw dapat maging kasanayan ng mga magiging lider ng simbahang katolika ang pagbaba sa pwesto.
Sa isang panayam, ipinahiwatig din ng Santo Papa na gusto niyang mailibing sa Santa Maria Maggiore sa Rome, Italy kung saan umano siya nagkaroon ng “special connection.” Ito kasi ang basilica na madalas bisitahin ni Pope Francis bago pa man siya maging Santo Papa. Dito rin siya nagdadasal bago at pagkatapos ng kanyang mga pagbisita sa iba’t ibang bansa.
Kung magkataon, siya ang kauna-unahang Santo Papa na ililibing sa labas ng Vatican sa loob ng isandaang taon at magiging pampitong Santo Papa na ililibing sa Santa Maria Maggiore.
Ibinahagi rin niya na plano niyang bisitahin ang tatlong bansa sa susunod na taon partikular na sa Belgium, Polynesia, at Argentina.