Pangungunahan ni Pope Francis ang mga Pilipino sa Italy sa selebrasyon ng ika-500 taon ng Kristyanismo sa Pilipinas.
Ayon kay Scalabrinian Father Ricky Gente ng Filipino Chaplaincy sa Rome, magsasagawa ng Misa ang Santo Papa sa St. Peter’s Basilica sa Marso 14 dakong alas-10:00 ng umaga.
Ngunit dahil sa nagpapatuloy na COVID-19 pandemic, limitado lamang ang bilang ng mga papayagang dumalo sa misa sa loob ng basilica.
Sinabi pa ni Gente, ila-livestream ang misa upang maabot ang mga Pilipino sa iba’t ibang panig ng mundo.
“Join us in Rome to pray, praise and thank God for his gift of the Christian faith,” wika nito.
Kasama ni Pope Francis si Cardinal Luis Antonio Tagle, prefect ng Congregation for the Evangelization of Peoples, at Cardinal Angelo De Donatis, vical general ng Rome.
Maliban dito, mangunguna rin ang Santo Papa sa tradisyunal na pagdarasal ng Angelus sa St. Peter’s Square sa tanghali pagkatapos ng Misa.
Kung maaalala, noong 2019 ay nanguna rin si Pope Francis sa tradisyunal na “Simbang Gabi” Mass kasama ang Pinoy community sa Roma at kinilala ang papel ng mga overseas Filipino workers sa paglago ng Simbahang Katolika sa buong mundo.