-- Advertisements --

Makikipagpulong si Pope Francis sa top Shi’ite Muslim cleric ng Iraq na si Grand Ayatollah Ali al-Sistani sa nakatakda nitong pagbisita sa Iraq sa darating na Marso.

Ayon kay Louis Sako, patriarch ng Chaldean Catholic Church ng Iraq, magiging “pribado” lamang ang pagkikita ng dalawang religious personalities.

Umaasa naman si Sako na lalagdaan ng dalawa ang dokumento hinggil sa “human fraternity for world peace”, isang interreligious text na kumokondena sa “extremism” na pinirmahan din ng Santo Papa kasama ang grand imam ng Al-Azhar na si Sheikh Ahmed al-Tayeb noong 2019.

Tatagal mula Marso 5 hanggang 8 ang kauna-unahang pagbisita ng isang Catholic pontiff sa Iraq, kung saan kasama sa mga pupuntahan ni Pope Francis ang Baghdad, mga siyudad ng Mosul at Ur, kung saan sinasabing ipinanganak si Abraham. (Al Jazeera)