-- Advertisements --
POPE FRANCIS

Muling nakiusap si Pope Francis na wakasan na ang sigalot sa pagitan ng mga Israelis at Palestinian sa halip ay bigyan ng higit na tulong ang mga nasa Gaza.

Ayon sa Santo Papa, kinakailangan nang agarang lunas sa mga sugatan sa Gaza Strip at siguruduhin ang proteksyon ng mga sibilyan.

Nakikiusap din si Pope Francis na ang mga hostages na hawak ng grupong Hamas ay dapat na ring palayain.

Giit pa nito, kailanman ang mga armas ay hindi magdadala ng kapayapaan at hindi na rin aniyang palawakin pa ang sigalot.

Inihayag ng Israel nitong Linggo na handa nang ilikas ang mga sanggol mula sa pinakamalaking ospital sa Gaza, ngunit sinabi ng mga opisyal ng Palestinian na ang mga tao sa loob ay na-trap pa rin habang nagpapatuloy ang matinding giyera.

Gayunpaman, nanawagan na ang Santo Papa para sa pagbuo ng humanitarian corridors o kasunduan upang wakasan ang sigalot sa pagitan ng Israel at grupong Hamas.