Humingi ng paumanhin si Pope Francis sa babaeng deboto na napalo nito matapos hatakin ang kanyang kamay sa isang okasyon sa St. Peter’s Square.
Una rito, nakipagkamay ang Santo Papa sa ilang mga deboto na nasa Vatican City square nitong bisperas ng Bagong Taon nang hawakan ito ng isang babae at hilahin papalapit sa kanya.
Dahil dito ay nairita si Pope Francis at nagpumiglas sa pagkakahawak ng babae at matapos nito ay kanyang pinalo nang bahagya sa kamay ang deboto.
Sa harap ng libu-libong mananampalataya na dumalo sa tradisyunal na New Year Mass sa St. Peter’s Square, humingi ng dispensa ang Catholic pontiff dahil sa naubusan daw ito ng pasensya.
“[God’s] salvation is not magical, but it is a ‘patient’ salvation, that is, it involves the patience of love, which takes on wickedness and removes its power,” wika ni Pope Francis.
“We often lose patience. So do I. And I apologize for yesterday’s bad example,” dagdag nito.
Samantala, sinamantala rin ng Santo Papa ang pagkakataon upang kondenahin ang pang-aabuso sa mga kababaihan sa makabagong panahon.
“All violence inflicted on women is a desecration of God,” anang Santo Papa. “How often is a woman’s body sacrificed on the profane altar of advertising, profit, pornography.” (Reuters)