Nagpahayag ng hinagpis kaugnay sa nangyayaring kaguluhan ngayon sa pagitan ng Ukraine at Russia si Pope Francis kung saan ay maraming mga sibilyan ang naiipit at nadadamay dahil dito.
Kasabay nito ay ang kanyang panawagan para sa humanitarian corridors upang tulungang mailikas ang mga refugee mula sa Ukraine at sinabing ang mga nagsisimula ng digmaan ay nakakakalimot na ng kanilang pagiging makatao at hindi aniya dapat malinlang ang pag-iisip ng mga ito na ang Diyos ay nasa kanilang panig.
Sinabi ng Santo Papa na nawawasak ang kanyang puso na makita ang mga larawan ng mga matatandang humihingi ng tulong at mga inang tumatakas kasama ang kanilang mga anak.
Kaugnay niyan ay inanyayahan niya ang mga tao na makilahok sa isang pandaigdigang araw ng panalangin at pag-aayuno para sa kapayapaan na gaganapin sa Ash Wednesday sa darating na Marso 2.
Magugunita na kamakailan lang ay una nang nagpahayag ng nararamdamang pagdadalamhati si Pope Francis kay Ukrainian President Volodymyr Zelenskiy dahil sa pagdurusa aniyang nararasanan ng Ukraine nang dahil sa umiinit na tensyon nito laban sa Russia.