Ipinahayag ng Vatican noong Sabado na nagpapakita si Pope Francis ng “good response” sa kanyang karamdaman na double pneumonia, at unti-unti umanong bumubuti ang kanyang kondisyon, ayon sa Vatican
Ang 88-taong-gulang na Santo Papa ay kasalukuyang nagpapagamot sa Gemelli Hospital sa Roma nang mahigit tatlong linggo na, matapos ma-diagnose ng malubhang impeksyon sa paghinga na nangangailangan ng patuloy na paggamot.
Ayon sa pinakahuling update mula sa Vatican, nanatiling matatag ang kalusugan ng Santo Papa sa mga nakaraang araw, na nagpapakita ng positibong tugon sa mga medical intervention.
Binanggit din sa pahayag na walang lagnat ang Santo Papa at nanatiling mabuti ang kanyang mga blood test. Napansin ng mga doktor ang unti-unti at bahagyang pagbuti ni Pope Francis ngunit nagpatuloy ang kanilang maingat na pagsusuri at nagbigay sila ng maingat na prognosis upang matiyak na magpapatuloy ang paggaling ng Santo Papa.
Kaugnay nito patuloy na binibigyan ng supplemental oxygen ang Santo Papa para sa kanyang paghinga. Sa araw, gumagamit siya ng maliit na tubo sa ilalim ng kanyang ilong, habang sa gabi ay gumagamit siya ng non-invasive mechanical ventilation habang natutulog.
Nabatid na ang double pneumonia ay isang malubhang kondisyon na nakakaapekto sa parehong baga na siyang nagdudulot ng pamamaga at peklat na nagpapahirap sa paghinga ng tao.
Samantala, hanggang sa ngayon ay hindi pa nakikita ang Santo Papa sa publiko mula nang pumasok siya sa ospital.
Bagamat hindi binanggit ng mga doktor kung gaano katagal tatagal ang kanyang panaantili sa ospital ay ayon sa eksperto na hindi kasama ng Santo Papa ay sinabing dahil sa kanyang edad at mga kondisyon, malamang ay patuloy parin itong mananatili sa ospital upang magpagamot.
Sa kabila ng nararamdamang sakit nagiingat naman ngayon ang Vatican, kasunod ng dalawang insidente ng “acute respiratory insufficiency” na naranasan ng Santo Papa noong Marso 3, na nagdulot ng mga alalahanin ukol sa kanyang kalusugan.
Sa ibang banda sa labas ng ospital, nagsama-sama ang mga deboto ng simbahang katolika upang magdasal para sa mabilis na paggaling ng Santo Papa, naglagay ng mga kandila, rosaryo, at iba pang alay sa paanan ng estatuwa ni yumaong Pope John Paul II, na maalalang madalas ding ipagamot sa Gemelli Hospital noong kanyang panahon.