Nais umano ni Pope Francis na ituloy na ang naudlot nitong pagbisita sa South Sudan sa susunod na taon, at hinimok ang mga lider ng bansa na magkaayos na para tapusin ang paghihirap ng kanilang mga mamamayan.
Pahayag ito ni Francis matapos magkasundo ang presidente ng South Sudan at dating rebel leader sa pagkaantala sa pagbuo ng unity government sa loob ng karagdagang 100 araw.
Sa kanyang weekly blessing sa St. Peter’s Square, sinabi ng Santo Papa na bibisitahin daw nito sa susunod na taon ang South Sudan.
Matatandaang naka-schedule sanang magtungo sa naturang bansa si Francis noong 2017 ngunit kailangan itong kanselahin dahil sa political instability at mahinang seguridad.
“I want to renew my invitation to all sides in the national political process to seek what unites them and overcome what divides, in a spirit of true brotherhood,” wika ni Francis.
Nitong Abril, isang buwan bago ang orihinal na deadline, dinala ng Catholic pontiff sina South Sudanese President Salva Kiir, opposition leader Riek Machar, at iba pang mga pulitiko sa Vatican para sa isang retreat.
Sa huling araw ng retreat, lumuhod ang Santo Papa sa harapan ng dating nag-aaway na mga lider kasabay ng apela nito na huwag nang bumalik sa civil war na natapos sa pamamagitan ng isang peace deal noong 2018.
Sa pagtukoy naman nito sa civil war sa kanyang mahabang apela nitong Linggo, sinabi ni Francis na ang mga mamamayan ng South Sudan ay lubos na naghirap sa mga nakalipas na taon at naghihintay na matuldukan ang gusot at mapalitan ng pangmatagalang kapayapaan.
Ayon pa kay Francis, gusto raw nitong makasama sa biyahe sina Archbishop of Canterbury Justin Welby, pinuno ng Anglican Communion; at mga lider ng Presbyterian Church sa Africa. (Reuters)