-- Advertisements --

Ikinalungkot ni Pope Francis ang balitang pagkasunog sa Notre Dame Cathedral na sumisimbolo umano sa Kristyanismo ng France at buong mundo. Ang cathedral na ito ay halos 850 taong gulang na at nagsilbing saksi sa libo-libong kasaysayan ng mundo.

Sa inilabas nitong pahayag, sinabi ng santo papa na nakikiisa ito sa lungkot na nararamdaman ngayon ng mga Kristyano at sinigurado rin nito na maghahandog sila ng panalangin para sa lahat ng naapektuhan ng trahedya.

Sa ngayon ay inanunsyo ng Paris Fire Department na under control na ang sunog na tumupok sa Notre Dame Cathedral. Laking pasasalamat naman ni Paris Mayor Anne Hidalgo sa mga ito na nagawa umanong maisalba ang mga art pieces at sagradong gamit mula sa nasabing cathedral.

Nangako naman si French billionaire at luxury good mogul Francois Pinault na magbibigay ito ng $113 million o halos anim na bilyong piso para sa muling pagsasaayos ng nasabing simbahan.

Ito ay bilang tugon sa international fund raising campaign na una ng inanunsyo ni French President Emmanuel Macron upang muling itayo ang nasirang parte ng cathedral.