-- Advertisements --

Nananatiling ‘conscious’ pa rin ang lider ng simbahang Katolika na si Pope Francis sa kabila ng mga iniinda nitong patung-patong na sakit sa kalusugan. 

Ang naturang Santo Papa kasi ay ginagamot ngayon sa Gemelli hospital ng Rome matapos magkaroon ng kumplikasyon sa kanyang respiratory system at nakitaan pa ng senyales ng kidney failure. 

Sa isang eksklusibong panayam, kinumpirma mismo ni Fr. Gregory Ramon D. Gaston SThD, rector ng Pontificio Collegio Filippino sa Roma, ang naturang Santo Papa ay kasalukuyang may kamalayan pa rin kahit na ito’y sumasailalim sa matinding gamutan. 

Bagama’t nasa kritikal na kondisyon si Pope Francis, positibong sinabi niya na hindi siya ganun kadalas na natutulog at ibinahaging patuloy ang pagbibigay ng kinakailangan nitong oxygen sa katawan. 

‘So patuloy ang kanyang kondisyon na talagang inaalagaan noh medyo critical and then may kunting simula ng kidney na disease noh kaya and then patuloy ang oxygen. Although at least ano naman conscious naman siya, aware naman siya. At hindi siya yung natutulog lagi,’  ani Fr. Gregory Ramon D. Gaston, SThD, rector ng Pontificio Collegio Filippino, Rome. 

Dahil dito, inihayag din ni Fr. Gregory Ramon D. Gaston na kasama sa kanyang mga napagmasdan habang nasa Roma ay ang pagtitipon ng ilan sa labas ng Gemelli hospital upang ipanalangin ang kagalingan ng Santo Papa. 

‘At may mga nag-gather na rin sa labas ng hospital, nagdarasal. Hindi naman nga sobrang daming tao roon pero at least may mga dumadating doon,’ pahayag ni Fr. Gregory Ramon D. Gaston, SThD, rector ng Pontificio Collegio Filippino, Rome. 

Dagdag pa rito, ibinahagi din niya na ang milyun-milyong Katoliko sa iba’t ibang panig ng mundo ay nagsasagawa ngayon ng pagdarasal upang idulog sa Panginoon ang agarang kagalingan ng Santo Papa. 

Aniya, ang mga lokal na simbahan, diocese, at maging sa Roma ay may kanya-kanyang mga aktibidad o inisyatibong ipanalangin ang maayos na kondisyon ni Pope Francis.