Nanawagan si Pope Francis para sa isang agarang tigil-putukan sa Gaza at ang pagpapalaya sa lahat ng mga bihag ng Israel sa isang Easter Sunday address.
Pinangunahan ng Santo Papa ang Misa sa St Peter’s Square, at pagkatapos ay inihatid ang kanyang “Urbi et Orbi” o “to the city and the world” blessing at mensahe mula sa central balcony ng St. Peter’s Basilica.
Pagkatapos ng service, sumakay ang santo papa sa kanyang open-topped popemobile para batiin ang mga tao sa plaza at ang avenue na nagkokonekta sa St Peter’s sa River Tiber. Ayon sa Vatican, humigit-kumulang 60,000 katao ang dumating.
Paulit-ulit na ikinalungkot ni Francis ang pagkamatay at pagkawasak sa digmaan sa Gaza at muli niyang binigyang diin ang kanyang panawagan para sa tigil-putukan ngayong Linggo.
Ang mensahe ngayong Easter ng papa ay tradisyonal na nakatuon sa mga usapin sa mundo, at binanggit niya ang iba pang mga flashpoint, kabilang ang Ukraine, Syria, Lebanon, Armenia at Azerbaijan, Haiti, Myanmar, Sudan, Sahel at Horn of Africa na mga rehiyon, Congo at Mozambique.
Matapos hilingin sa Italyano na si Cardinal Matteo Zuppi noong nakaraang taon na mamagitan sa pagpapauwi ng mga batang Ukrainian mula sa Russia at mga teritoryong sinakop ng Russia, nanawagan si Francis para sa isang pangkalahatang pagpapalitan ng lahat ng mga bilanggo sa pagitan ng Russia at Ukraine.