Muling nanawagan si Pope Francis ng agarang tigil-putukan sa Gaza, habang siya’y nagpapagaling mula sa pneumonia.
Ang naturang pahayag ay binasa ng isang aide habang ang Santo Papa ay makikitang lumitaw sa pangunahing balkonahe ng St. Peter’s Basilica sa Vatican para sa tradisyunal na “Urbi et Orbi” blessing.
Hindi pinangunahan ng Santo Papa ang misa, alinsunod sa utos ng kanyang mga doktor na limitahan ang kanyang aktibidad.
Tinawag niyang “dramatic and deplorable” ang kalagayan sa Gaza, at hinimok ang parehong panig — Israel at Hamas — na itigil ang digmaan, palayain ang mga bihag, at tugunan ang kagutuman ng mga sibilyan. Binatikos din niya ang tumitinding antisemitism sa buong mundo.
Samantala, tumanggi ang Hamas sa panibagong panukala ng pansamantalang tigil-putukan mula sa Israel, kapalit ng pagpapalaya ng mga bihag. Bilang tugon, inatasan ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu ang militar na dagdagan pa ang paghihigpit laban sa Hamas.
Batay sa datos, mahigit 51,000 Palestino na ang nasawi sa opensibang ginagawa ng Israel mula Oktubre 2023, matapos ang pag-atake ng Hamas sa Israel na pumatay sa 1,200 at dumukot sa 251 katao.
Samantala, nagkaroon din ng maikling pulong ang Santo Papa kay U.S. Vice President JD Vance sa Vatican nitong Linggo bilang bahagi ng kanilang Easter greetings.