Nanawagan si Pope Francis sa bansang Israel at Iran na huwag ng gumawa ng mga hakbang na magpapalalim pa ng kaguluhang kinasasangkutan ng dalawang bansa.
Sa mensahe ng Santo Papa sa St. Peter’s Square nitong Linggo, sinabi nito na nababahala at nasasaktan siya sa ulat ng pag-atake ng drone at missile ng Iran sa Israel.
Pinaalalahan din ng Santo Papa ang lahat ng bansa na dapat ay tinutulungan nito ang Israel at Palestine na mamuhay nang may kapayapaan. Karapatan daw ng dalawang bansa na mamuhay sa kanilang teritoryo nang may seguridad.
Sa parehong pagkakataon ay muling nanawagan si Pope Francis ng ceasefire sa Gaza para makapasok na sa lugar ang humanitarian aid na kinakailangan ng mga biktima ng giyera.
Umapela rin ang lider ng Simbahang Katolika na pakawalan na ang mga hostages.
Binigyang-diin nito na itigil na ang giyera at karahasan at magkaroon na ng diyalogo at kapayapaan lalo na’t ipagdiriwang umano ng simbahan ang World Day of Children sa May 26.
Dahil dito, hinimok niya ang publiko na ipanalangin ang mga bata na nagdurusa sa giyera sa iba’t ibang bansa. Aniya, ipanalangin ang kapayapaan sa Ukraine, Palestine, Israel, Myanmar, at sa iba pang sulok ng mundo.