Humanga si Pope Francis sa pananampalataya ng mga Filipino sa Simbahang Katolika.
Ito ay matapos na pangunahan niya sa kauna-unahang pagkakataon ang unang araw ng tradisyunal na Simbang Gabi na bahagi ng kultura ng mga Filipino na ginanap sa St. Peter’s Basilica sa Vatican.
Sinasabing si Francis ang kauna-unahang Santo Papa na nanguna o nag-preside sa selebrasyon ng Simbang Gabi mass.
Espesyal na binanggit ni Pope Francis ang nasabing tradisyon na hindi aniya nawawala sa mga Filipino na ito ay sinimulan mula pa noong 17th century.
Dinaluhan ng ilang libong Filipino mula sa Vatican at Roma ang misa kung saan kasama ng Santo Papa ang nasa 150 mga pari sa misa.
Kinilala ni Pope Francis na dahil sa maraming mga Pinoy migrants mula sa iba’t ibang dako ng mundo, lumawak pa raw ang naturang debosyon o novena na maging sa Roma ay ginagawa na rin ito ng taun-taon.