-- Advertisements --

Nilaktawan ni Pope Francis sa huling minuto ang pagbabasa ng kanyang homiliya sa isang Palm Sunday Mass para sa libu-libong tao sa St. Peter’s Square pero patuloy naman na pinamunuan ang misa.

Nitong mga nakaraang linggo, kung matatandaan, ang 87-taong-gulang na santo papa ay nakararanas ng bronchitis at trangkaso at nagtalaga ng isang aide para magbasa ng kanyang mga mensahe pero ngayong Linggo, iniulat na hindi binasa ang kanyang nakahandang mensahe.

Bihira lang ang mga pangyayare na laktawan ng santo papa ang isang homiliya sa isang pangunahing kaganapan tulad ng Palm Sunday.

Sa ngayon, wala pang paliwanag ang Vatican kung bakit nilaktawan ng papa ang homily. Pero sinabi ng isang announcer sa Vatican Radio na nagpasya ang papa na huwag na itong basahin.

Samantala, ang mga kardinal, pari at obispo naman ay nakibahagi sa naturang misa na gumugunita sa sinasabi ng Bibliya na pagpasok ni Hesus sa Jerusalem ilang araw bago siya ipagkanulo, nilitis at pinatay sa pamamagitan ng pagpapako sa krus.

Dahil din sa sakit sa tuhod ni Francis, mahigit isang taon na itong namumuna sa mga Misa habang nakaupo malapit sa altar habang isang cardinal naman ang nagsisilbing main celebrant.

Pagkatapos ng Misa, ipinaabot ni Francis ang kanyang lingguhang mensahe at basbas ng Linggo ng Angelus.