-- Advertisements --

Pinayuhan ng mga doctor ni Pope Francis na magpahinga pa ng dagdag na dalawang buwan para tuluyang gumaling ang kaniyang katawan.

Ito ay kahit na nakauwi na ang Santo Papa sa Vatican matapos ang 38 araw na pananatili sa Gemelli hospital sa Rome.

Dahil dito ay hindi pa tiyak ng mga mananampalataya kung regular na ba nilang makikita sa publiko ang 88-anyos na Santo Papa.

Mula sa pagkakalabas niya sa pagamutan ay dumiretso ito sa Casa Santa Marta isang maliit na gusali sa Vatican na kaniyang naging bahay mula ng maupo bilang Santo Papa noong 2013.

Ang nasabing pasilidad ay tirahan lamang ng mga pari na nagtatrabaho sa Vatican kung saan naging mahigpit ang pagpapasok ng mga bisita dito.

Hindi naman tiyak ng Vatican kung matutuloy ang personal na pakikipagpulong ng Santo Papa kay King Charles sa darating na Abril 8 at sa Abril 20 na pangungunahan nito ang taunang Easter celebration.