Pormal ng pinayagan ni Pope Francis ang mga pari ng Simbahang Katolika na bendisyunan ang same-sex couples na hihingi nito.
Ngunit kasabay nito ay binigyang-diin ng Santo Papa na may mga tuntunin pa rin na kinakailangang sundin ang mga same-sex couple na hihingi ng basbas mula sa mga padre ng Katoliko Romano.
Subalit sa kabila nito ay nilinaw ng Vatican na ito ay hindi pa rin maikokonsiderang isang civil union ceremony o sa isang marriage ceremony ng mga heterosexual couple.
Ito ay sa kadahilanang nananaili pa rin kasi ang posisyon ng simbahang Katolika na para lamang sa babae at lalaki ang sagradong sakramento ng kasal.
Dahilan kung bakit ipagbabawal din ang pagsusuot ng pangkasal na kasuotan at hindi pwedeng gawin ang mga ritwal na ginagawa sa seremonya ng kasal sa pagbibigay basbas ng mga pari sa mga same-sex couple upang hindi maihambing ang pagbebendisyon sa sakramento ng kasal at makaiwas sa pagkalito.
Gayunpaman, hindi raw dapat tanggihan ng mga pari ang same-sex couple na humihingi ng basbas mula sa Panginoon dahil ito anila ay tanda ng pagpapalakas ng relasyon sa Diyos at paghingi ng Kanyang paggabay at pagmamahal.
Matatandaang ilang beses ng pinag-usapan ang mga pahayag ni Pope Francis tungkol sa LGBTQIA+ community, kabilang na diyan ang hindi niya pagsang-ayon sa mga bansang ginagawang krimen ang homesexuality. Aniya, ito ay hindi makatarungan dahil lahat tayo ay anak at mahal ng Diyos.