-- Advertisements --

Hindi kumbinsido si Pope Francis sa naging pahayag ng Russia na nagsasagawa ito ng special military operation sa Ukraine.

Sa kanyang weekly address sa St. Peter’s Square ay sinabi ng santo papa na ang nangyayaring kaguluhan ngayon sa Ukraine ay hindi lamang isang military operation kundi isang digmaan na naghahasik ng kamatayan, pagkawasak, at paghihirap.

Ngunit sa kabila nito ay hindi pa rin hayagang kinondena ng papa ang Russia sa pamamagitan ng pagbanggit sa pangalan ng bansang ito, bagkus ay paulit-ulit nitong sinabi ang kanyang apela para sa kapayapaan, paglikha ng humanitarian corridors, at ang muling pagbabalik nito sa negosasyon.

Dagdag pa ng santo papa, dalawa sa kardinal ng Roman Catholic ang nagtungo rin sa Ukraine upang magpaabot ng tulong para sa mga nangangailangan doon.

Samantala, sa bukod na pahayag naman ay pinuri ni Ukraine ambassador to the Vatican Andriy Yurash si Pope Francis hinggil sa naging pahayag nito.

Magugunita na una nang tinawag ng Russia na “special operation” ang naging pananalakay nito sa Ukraine at sinabing hindi ito isang digmaan at hindi nito layunin na sakupin ang teritoryo ng Ukraine ngunit upang sirain ang kakayahang militar ng mga karatig bansa nito at hulihin ang mga itinuturing nitong mapanganib na nasyonalista.