-- Advertisements --

Sinabi ni Pope Francis, na kasalukuyang nagpapagaling mula sa impeksyon sa baga, noong Miyerkules na mas mabuti na ang kanyang pakiramdam, ngunit nahihirapan pa rin siya kapag nagsasalita nang matagal.

Ang Santo Papa ay nakaranas ng ilang respiratory crises, at ang pinakahuli ay nangyari noong Lunes. Bilang tugon sa lumalalang alalahanin at mga usap-usapang kumakalat online tungkol sa kanyang kalusugan, naglabas ng isang mensahe sa pamamagitan ng isang recorded na audio mula sa Santo Papa noong Huwebes (Biyernes dito sa Pilipinas).

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na narinig ang kanyang boses pagkatapos ng ilang linggo.

Sa maikling mensahe, sinabi ni Pope Francis ‘I thank you from the bottom of my heart for your prayers for my health from the Square. I accompany you from here.’ Dagdag pa niya, ‘May God bless you and the Virgin protect you. Thank you,’ Ang kanyang boses ay maririnig na mahina at hirap huminga, na may ilang mga salita na nawawala sa huling bahagi ng mensahe.

Makabagbag-damdaming mensahe ng audio ni Pope Francis mula sa ospital para sa mga debotong nagtipon sa Plaza de San Pedro / Screenrecording by @EWTN Vatican

Ipinalabas ang mensahe sa Plaza de San Pedro, kung saan ang mga deboto ay nagtipon araw-araw upang magdasal para sa kalusugan ng Santo Papa.

Nang marinig nila ang mensahe, sumabog ang palakpakan at tuwa mula sa mga ito.

Samantala nagdaos din ang Santo Papa ngayong linggo ng isang dalawang araw na pagpupulong ng Council of Cardinals, isang pangkat ng kanyang malalapit na tagapayo, na nakatuon sa papel ng mga kababaihan sa simbahan, ayon sa ulat ng Vatican noong Miyerkules.

Bagaman tinutulan ng Santo Papa ang pagpapahintulot sa kababaihan na maging pari gayunpaman nagtalaga siya ng mga kababaihan sa ilang mataas na posisyon sa Vatican.