Tinawag na “senseless massacre” ni Pope Francis ang kaguluhang nagaganap ngayon sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Ipinahayag ito ng santo papa sa kanyang address at blessing sa St. Peter’s Square kasabay nang paghikayat sa mga pinuno ng international community na lubos na gumawa ng paraan upang pigilan ang kasuklam-suklam na digmaan sa pagitan ng dalawang bansa.
Hindi man niya binanggit ang pangalan ng bansang Russia ay inilarawan ng papa ang ginagawa nito bilang isang senseless massacre o walang kabuluhang patayan na nagdudulot ng araw-araw na kalunus-lunos na pagkasawi at kalupitan na paulit-ulit na nararanasan ng mga indibidwal na nadadamay dito.
Nagpapatuloy pa rin kasi aniya hanggang ngayon ang pambobomba at missiles sa Ukraine kung saan ay nagiging biktima ang mga maraming sibilyan kabilang na ang matatanda, bata, at mga nagdadalang-tao na mga ina.
Samantala, kamakailan lang ay binisita ni Pope Francis ang isang ospital sa Rome kung saan ginagamot ang mga sugatang bata mula sa Ukraine nang dahil sa sigalot na nangyayari doon.