Hiniling ngayon ng tinaguriang Pork Barrel Queen na si Janet Lim Napoles sa Sandiganbayan na agad na ibasura ang kasong plunder na inihain laban sa kanya kaugnay pa rin sa isyu ng multi billion-peso pork barrel scam.
Ayon kay Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang, naghain si Napoles ng demurrer to evidence na walang pahintulot ng korte.
Karaniwang humihingi ng pahintulot sa korte ang isang akusado sa pamamagitan ng isang motion for leave of court bago maghain ng demurrer, na kung saan hinihingi nito na ibasura ang kaso matapos na ipahinga ng prosekusyon ang kaso nito.
Si Tang ang namumuno sa anti-graft’s 3rd division na humahawak naman sa mga kasong plunder at graft laban kay Napoles.
Ang mga kasong ito ni napoles ay nagmula sa umano’y diversion ng pork barrel ni dating senador at ngayon ay Chief Presidential Legal Counsel na si Juan Ponce Enrile sa pamamagitan ng mga pekeng non-government organizations ni Napoles.
Nauna nang naghain si Enrile ng demurrer to evidence, na sinabi ng korte na malulutas kasama ng pangunahing desisyon.
Sa ngayon ay dinidinig na ng Sandiganbayan ang mga ebidensya mula sa depensa partikular sa dating chief of staff ni Enrile na si Jessica Lucila “Gigi” Reyes.