CEBU CITY – Itutuloy ng Cebu provincial government ang pag-ban ng mga baboy mula sa Luzon sa loob ng 100 araw upang hindi makapasok ang African swine fever (ASF) virus sa lalawigan.
Ito ay matapos ang pagpupulong nina Agriculture Secretary William Dar kay Cebu Governor Gwendolyn Garcia kasama ang iba pang stakeholders.
Ipinaliwanag naman ni Garcia ang inisyu nitong executive order kay Dar kung saan temporaryo lang ang ipinatupad na ban.
Kung maalala ay nagpaalala ang kalihim sa mga local government units sa Cebu at Bohol na maghinay-hinay umano sa pagpapatupad ng mga measures alinsunod sa ASF outbreak sa Luzon.
Ayon kay Dar na patuloy ang pakikipag-ugnayan nito kay Garcia at sa mga stakeholders upang maprotektahan ang hog industry ng lalawigan.
Umaasa naman si Garcia na magbabago ang sitwasyon ng mga hog raisers sa lalawigan ng Cebu upang maiwasan ang nakamamatay na ASF.
Natuwa rin ang gobernador na naiintindihan ng kalihim ang ipinatupad nilang mga hakbang ukol nito.
Dumalo rin sa naturang meeting si Negros Oriental Gov. Roel Digamo ngunit hindi nakarating si Bohol Gov. Arthur Yap dahil may prior commitments naman ito.