LEGAZPI CITY – Nanawagan ang mga pork producers sa Pilipinas na huwag nang ituloy ang Executive Order No. 124 ni Pangulong Rodrigo Duterte na nag-uutos ng 60 araw na price ceiling sa mga karneng manok at baboy sa pampublikong palengke sa National Capital Region.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Nicanor Briones, vice president ng Pork Producers of Luzon, Enero 29 pa umano nang sumulat ang mga meat producers sa pangulo para sa naturang kahilingan subalit wala naman natatanggap na tugon.
Reklamo ng mga pork producers na walang naging konsultasyon sa kanila bago ipatupad ang price ceiling habang matinding pagkalugi ang magiging epekto nito.
Pinangangambahan rin ni Briones na maaaring mawalan na ng suplay ng karneng baboy at manok sa Metro Manila dahil mas pipiliin na lang ng mga producers na magsuplay sa ibang lugar.
Nabatid na dahil sa mga nagdaang bagyo noong nakaraang taon at sa outbreak ng African Swine Fever bumagsak na sa 2.5-milyon ang produksyon ng baboy sa bansa mula sa dating 7.5-milyon.